Make your own free website on Tripod.com

Click Here!You are listening to President Gloria Macapagal-Arroyo's Formal Declaration to run For President in the 2004 Elections, October 4, 2003. 

 

TALATUNTUNAN KABANATA 2

 

KABANATA I

 

ANG UNANG TATLONG TAON (2001-04)

 

Jose Angelito Pantaleon Angeles

           

Sa kabanatang ito tatalakayin ang masalimuot na tatlong taong pangangasiwa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng pamahalaan. Susuriin sa bahaging ito ng papel ang mga paratang ng oposisyon na sa simula pa lang ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, pagkaraan magbitiw si Pangulong Joseph Estrada noong ika-20 ng Enero 2001, ay nangangampanya na si Pangulong Arroyo para sa pampanguluhang halalan sa 2004. May basehan ba ang mga paratang o ginagampanan lang talaga ni Pangulong Arroyo ng maayos ang mga tungkuling nakaatang sa kanya.

 

“Erap Out, Gloria In*

 

Sa pambansang halalang ginanap noong ika-11 ng Mayo 1998 nahalal bilang pangulo at pangalawang pangulo sina Pangalawang Pangulo Joseph Ejercito Estrada[1] ng Laban ng Makabayang Masang Pilipino (LAMMP)[2] at Senadora Gloria Macapagal-Arroyo ng Lakas-NUCD-UMDP- Nacionalista Party Coalition. Kapwa sila nagtala ng pinakamalaking boto sa kasaysayan ng halalan sa dalawang posisyong nabanggit. Ang popularidad ni Pangulong Joseph Estrada na lalong kilala sa tawag na “Erap” at ang kanyang slogan na “Erap para sa Mahirap” ang nagpanalo sa kanya sa puso ng mga maralita at nagluklok sa kanya sa Malacañang noong ika-30 ng Hunyo 1998. 

            Ngunit ang popularidad na ito ni Pangulong Estrada ay unti-unting nagiba ng hindi natugunan ng kanyang pangasiwaan ang mga suliranin na bumabagabag sa mga maralitang nagluklok sa kanya sa kapangyarihan, dagdag pa rito ang mga iskandalo na kinasasangkutan ng kanyang mga kaibigan at mga kamag-anak. Ang ilan sa mga iskadalong nabanggit ay ang mga sumusunod: ang Fire truck scam na kinasasangkutan nina Nora Aunor at Paquito Diaz; ang BW scam, na lalong nagpapaba sa kumpiyansa ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa; ang maanumalyang two-way radio contract na pinasok ni Kalihim Ronaldo Puno; ang magastos na pagpapagawa sa barkong Ang Pangulo; at ang paratang ng pakikialam ni Unang Ginang Luisa Loi Estrada sa mga proyekto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).[3] Sa loob lamang ng maikling panahon, unti-unting lumakas ang mga panawagan na siya ay magbitiw sa kapangyarihan. Sinimulan ito ng mga mag-aaral at sektor manggagawa sa pamamagitan ng palagiang pagpro-protesta sa Mendiola, at sinundan naman ng mga civil society sa pamamagitan ng pagkakabit ng sticker na may exclamation point.

            Noong ika-4 ng Oktubre 2000, isang pagsisiwalat ng isang kaibigan at Gobernador ng Ilocos Sur ang tuluyang nagpabagsak kay Pangulong Estrada sa kapangyarihan. Ayon kay Gobernador Luis “Chavit” Singson, tumatanggap raw ng ang Pangulo, ang kanyang pamilya at mga kaibigan ng milyun-milyong piso mula sa mga jueteng lords.

            Kinabukasan, inakusahan ni Senate Minority Floor Leader Teofisto Guingona, Jr. sa kanyang privilege speech, may pamagat na “I Accuse,” si Pangulong Estrada ng pagtanggap ng mahigit-kumulang 220 milyong piso mula sa jueteng at pangingikil nito ng 70 milyong piso ng excise tax sa sigarilyo na para sa Ilocos Sur. Kaagad inimbestigahan ng Senado sa pamamagitan ng Blue Ribbon Committee at Committee on Justice ang paratang na ito ni Senador Guingona.[4]

            Sa Camara de Representates, pinamunuan naman ni Kinatawan Roilo Golez ng House Committee in Public Order and Security ang pagsisiyasat sa mga ibinunyag ni Gobernador Singson. Sa kabilang dako, hinahanda naman nina Heherson Alvarez, Ernesto Herrera at Michael Defensor ang impeachment laban kay Pangulong Estrada.

            Ang pagbubunyag na ito ni Gobernador Singson ang nagpaigting ng mga panawagan sa pagbibitiw ng Pangulo. Noong ika-11 ng Oktubre 2000 naglabas ng pastoral letter si Archbishop Jaime Cardinal Sin na humihiling kay Pangulong Estrada na magbitiw na sapagkat nawalan na siya ng “moral authority to govern.” Sinundan ito ng kahalintulad na panawagan mula sa Catholic Bishops Conference of the Philippines, at sa mga dating Pangulong sina Corazon Cojuangco-Aquino at Fidel V. Ramos. Noong ika-11 ng Oktubre, nagbitiw naman si Pangalawang Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo bilang Kalihim ng DSWD at kalaunan ay nakisali na rin sa mga panawagan na magbitiw na si Pangulong Estrada sa kapangyarihan.

            Ang kakayahan ni Pangulong Estrada na mamuno ay parang kandilang nauupos sa paglipas ng mga araw. Noong ika-1 ng Nobyembre 2000 nagbitiw ang apat na kasapi ng Council of Senior Economic Advisers ni Pangulong Estrada at sinundan naman ni Kalihim Manuel “Mar” Roxas II ng DTI kinabukasan.[5] Samantala sa loob naman ng partido ni Estrada, ang LAMP, tumiwalag naman sina Senate President Franklin Drilon at Speaker Manuel Villar sa partido kasama ang 47 na Kinatawan at dalawang  Senador, sina Anna Dominique Coseteng at Rodolfo Bizon.

            Ika-13 ng Nobyembre 2001 – ang simula ng pagwawakas ng pamahalaang Estrada, ipinasa sa Camara de Representantes ang Articles of Impeachment na sumasakdal sa Pangulo sa mga kaso ng tandisang paglabag sa Konstitusyon, pagpapasuhol, graft and corruption, at pagkakanulo sa pagtitiwala ng bayan. Ang Articles of Impeachment ay nilagdaan ng 115 kinatawan ng Kongreso, higit sa 1/3 ng kabuuang bilang ng mga kinatawan, at madamdaming ipinadala ito ni Ispiker Villar sa Senado. Ang pagkakapasa ng Articles of Impeachment ay yumanig sa liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso: pinalitan ni Senador Aquilino Pimentel si Senador Drilon sa pagkapangulo ng Senado at si Ispiker Villar ay pinalitan naman ni Kinatawan Arnulfo Fuentevella bilang Ispiker ng Camara de Representantes.

            Noong ika-20 ng Nobyembre 2000 pormal ng binuksan ng Senado ang impeachment court na didinig sa mga kasong isinampa laban kay Pangulong Estrada. Nanumpa ang dalawampu’t-isang senador bilang mga hukom sa harap ni Punong Mahistrado Hilario G. Davide, Jr. At noong ika-7 ng Disyembre, sinimulan na ang pagdidinig sa mga kaso. Ang mga taga-usig ay pinamumunuan ni House Minority Floor Leader Feliciano Belmonte at kinabibilangan ng mga Kinatawan na sina Joker Arroyo, Wigberto Tañada, Sergio Apostol. Raul Gonzales. Oscar Moreno, Clavel Martinez, Oscar Rodriguez, Antonio Nachura. Salacnib Baterina at Roan Libarios. Ang mga tagapagtanggol naman ni Pangulong Estrada ay sina dating Punong Mahistrado Andres Narvasa, dating Solicitor General, Kalihim ng Katarungan at Gobernador ng Pampanga Estelito Mendoza, dating Kinatawan Raul Daza, Atty. Jose Flaminiano, Atty Siegfried Fortun at Atty. Raymund Fortun.

            Ang paglilitis ay araw-araw na sinubaybayan ng sambayanan sa kanilang mga radyo’t telebisyon na parang telenobela at naging usap-usapan sa mga kapihan, paaralan, mga tanggapan at mga komunidad. Ang mga tagpo sa paglilitis ay lalong tumindi nang iharap na ng mga taga-usig ang kanilang star witness, si Gng Clarissa Ocampo.[6] Inilahad ni Gng. Ocampo na kanyang nasaksihan ang paglagda ni Pangulong Estrada ng “Jose Velarde” sa mga dokumento na kinasasangkutan ng 500 milyong investment agreement sa Equitable PCI-Bank noong ika-4 ng Pebrero, 2000. Aniya, “I was one foot away. I was beside him.”

            Sinundan ang pagbubunyag ni Gng. Ocampo na isa pang pagpapasabog, ibinunyag ng dating kalihim ni Pangulong Estrada sa pananalapi na si Edgardo Espiritu na isa si Pangulong Estrada sa mga nagmamay-ari ng BW Resources Corporation kasama si Dante Tan, na nasasangkot sa mga kaso ng insider trading.

            Noong ika-16 ng Enero, hinarang ng 11 senador[7] ang pagbubukas ng second envelope na pinaghihinalaang naglalaman ng mga dokumentong magpapatunay na mayroong 3.3 bilyong pisong account si Pangulong Estrada sa pangalang “Jose Velarde.” Sa pangyayaring ito, nagbitiw si Senador Pimentel sa pagkapangulo ng Senado at sinundan ito ng walkout ng mga pribadong taga-usig.

            Ang mga pangyayari sa Senado ay sinalubong ng malawakang protesta sa iba’t-ibang panig ng bansa. Sa Kamaynilaan, daang libo ang nagtungo sa EDSA at nanawagan ng kagyat na pagpapatalsik kay Pangulong Estrada.

            Noong ika-17 ng Enero, nagsumite ng liham pagbibitiw ang mga taga-usig ng Pangulong Estrada sa impeachment court na naging dahilan upang pansamantalang isuspindi ang mga pagdinig sa naturang hukuman. Sa EDSA, lalong lumalakas ang pwersa ng mga taong gustong magpapaalis kay Pangulong Estrada sa kapangyarihan. Gumawa sila ng human chain mula sa bantayog ni Ninoy Aquino sa Makati hanggang sa EDSA Shrine na sumisimbolo sa kanilang pagkakaisa. Kinabukasan, maging ang kaibigan ni Pangulong Estrada na si Nora Aunor ay nakisali na rin sa panawagan na magbitiw na ang una.

            Ika-19 ng Enero- hindi na maiiwasan ang tuluyang pagbagsak ng naghihingalong pamahalaang Estrada, inalis na ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, Pambansang Pulisya, at ilang mga kasapi ng Gabinete ang kanilang suporta kay Pangulong Estrada. “on behalf of your Armed Forces, the 130,000 strong members of the Armed Forces, we wish to announce that we are withdrawing our support to this government,” pahayag ni Hen. Angelo Reyes sa harap ng daang libong katao na nagtitipon sa EDSA. Kinahapunan, lumabas sa telebisyon si Pangulong Estrada at kanyang ipinahayag ang kanyang kagustuhan na magdaos ng isang halalang isnap at kanya ring inutusan ang kanyang mga abugado na pumayag sa pagbubukas ng kontrobersyal na second envelope. Ang panawagan na ito ay hindi pinansin ng taumbayan, determinado na silang mapalitan na ang liderato ng bansa.

            Kinaumagahan ng ika-20 ng Enero, nagsimula ang negosasyon para sa isang mapayapa at maayos na paglilipat ng kapangyarihan. Ang Kalihim ng Tagapagpaganap na si Edgardo Angara kasama sina Deputy Secretary Ramon Bagatsing, Angelito Banayo, Asst. Secretary Jesus Crispin Remulla at Presidential Management Staff Chief Macel Fernandez ang kumatawan kay Pangulong Estrada. Sina dating Kalihim ng Tanggulang Pambansa Renato de Villa, dating Senador Alberto Romulo, at dating Kinatawan Hernando “Nani” Perez ang kumatawan naman kay Pangalawang Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo.[8]

            Kinatanghalian ng araw na iyon, ganap na ika-12 ng hapon, Nanumpa si Panglawang Pangulo Gloria Macapagagal -Arroyo sa harap ni Punong Mahistrado Hilario G. Davide, Jr. bilang ika-14 na Pangulo ng Pilipinas. Sa kanyang inagurasyon, ipinahayag ni Pangulong Arroyo ang kanyang mga gagawin sa loob ng mahigit na tatlong taon:

          

 On many occasions I have given my views on what our program of government should be. This is not the time or place to repeat all of them. However, I can tell you that they converge on four core beliefs.

1.      We must be bold in our national ambitions, so that our challenge must be within this decade, we will win the fight against poverty.

2.      We must improve moral standards in government and society, in order to provide strong foundation for good governance.

3.      We must change the character of our politics, in order to create fertile ground for true reforms. Our politics of personality and patronage must give way to a new politics of party programs and process of dialogue with the people.

4.      Finally, I believe in leadership by example. We should promote solid traits such as work ethic and a dignified lifestyle, matching action to rhetoric performing, rather than grandstanding.[9]

Ika-2:30 ng hapon, tinanggap ni Pangulong Estrada ang kanyang pagbagsak sa kapangyarihan at madamdaming nilisan, kasama ng kanyang pamilya, ang Malacañang.[10]             Ang pagkakaluklok ni Pangulong Arroyo ay tinanggap at sinuportahan ng Camara de Representantes sa dalawang resolusyong ipinasa nito noong ika-24 ng Enero 2001, ang Resolution No. 175 na nagpapahayag ng lubos na suporta ng Camara sa pangasiwaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Resolution No. 176 na naghahayag naman ng supporta ng Camara sa pagkakaluklok ni Pangalawang Pangulo Arroyo bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Ang pamahalaang Arroyo ay lalong lumakas nang kilalanin ito ng Estados Unidos, United Nations, ASEAN, Tsina, Hapon , Vatican , at iba pang mga bansa. Samantala, sa mga isinagawang mga surbey ng Pulse Asia mula ika-20 hanggang 26 ng Enero at ng ABS-CBN/ Social Weather Station mula ika-2 hanggang 7 ng Pebrero, lumalabas na tinatanggap at kinikila  nakakarami si Gng. Arroyo bilang Pangulo.

Gayun pa man, may ilang grupo na kapanalig ng dating Pangulo ang pinaghihinalaan na nagtatangkang manggulo at pabagsakin ang pamahalaang Arroyo. Noong ika-30 ng Enero, sa kanyang kauna-unahang national address sa radyo at telebisyon, binigyan niya ng babala ang sinumang nagnanais na siya’y pabagsakin:

           

The enemies of the state continue to destabilize our duly constituted government by machinations and black propaganda. Proceeds form ill-gotten wealth are being used to erode the credibility of this government and to subvert our hard-earned freedoms.

            To the destabilizers, I extend our hand of peace and reconciliation. I urge you to feel the sufferings of our people. I ask you to be one with is in our collective quest for a better wuality of life for the Filipino.

Should you, however, persist in your evil designs, I say to you, you can try, but you will fail. You cannot win against the people. Kaya, binabalaan ko kayo. Mag-isip-isip kayo. I’ve said it before and I will say it again, I am not a happy warrior. But if forced, I have sworn duty to protect and defend the Constitution, above everything else. I shall crush you.[11] (Emphasis supplied)

Ang katatagan ng Pamahalaang Arroyo ay masusubok sa mga mangyayari sa EDSA III, Malacañang Siege, Oakwood at sa mga tangkang destabilisasyon ng mga makakaliwa at makakanang kalaban ng pamahalaan.

Pagkakatatag ng People Power Coalition at ang Halalang 2001

 

            Apat na buwan pagkaraan maluklok si Pangulong Arroyo sa  kapangyarihan sa pamamagitan ng EDSA Dos, magdaraos uli ang bansa ng halalan para sa 13 senador, mga kinatawan sa Kongreso at mga lokal na posisyon. Upang paghandaan ang naturang halalan, itinatag ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang People Power Coalition (PPC) na binubuo ng mga partidong kapanalig ng administrasyon: ang Lakas NUCD- Nacionalista Party Coalition; Liberal Party (LP); PDP-LABAN ni Senador Aquilino Pimentel[12]; KAMPI; Aksyon Demokratiko ni Kalihim ng Edukasyon at dating Senador Raul Roco; REPORMA ni Kalihim Tagapagpananap Renato de Villa; at PROMDI ni dating Gobernador Lito Osmeña. Ang PPC ay tinapatan naman ni dating Pangulong Estrada ng kanyang koalisyong Puwersa ng Masa na binubuo naman ng Partido ng Masang Pilipino, ang kanyang partido; Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP); Nationalist People’s Coalition (NPC); GABAY ni Francisco Tatad; at People’s Reform Party ni Senadora Miriam Defensor-Santiago. Sa kakatwang pangyayari, ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ng mga Marcos ay umanib sa dalawang magkakasalungat na koalisyong nabanggit.

            Ang mga kandidato sa pagka-senador ng PPC ay sina Juan Flavier (Lakas), Sergio Osmeña, III (PDP-Laban), Ramon Magsaysay, Jr., Manuel Villar, Franklin Drilon, Francis Pangilinan (LP), Joker Arroyo (Lakas), Ralph Recto (Lakas), Wigberto Tañada (LP), Roberto Pagdanganan (Lakas), Ernesto Herrera (Lakas), Liwayway Vinzons Chato, at Solita Monsod (Aksyon). Ang kandidato naman ng Pwersa ng Masa ay sina dating Unang Ginang Luisa Ejercito Estrada, Panfilo M. Lacson (LDP), Gregorio Honasan, Edgardo Angara (LDP), Miriam Defensor-Santiago (PRP), Juan Ponce Enrile (LDP), dating Kalihim ng Press Ricardo Puno, Jr.(LDP), dating Kalihim ng Tanggulang Pambansa Orlando Mercado, Santanina Rasul, Maria Ana Consuelo “Jamby” Madrigal (LDP), Reuben Canoy, at Ombra Tamano. Si Noli de Castro, bagamat isang independyenteng kandidato sa pagkasenador, ay tinuturing naman ng ng Puwersa ng Masa bilang guest candidate nila.

            Ang naturang halalan ay itinuturing na lithmus paper kung tunay na nga bang tinatanggap ng nakakarami ang pamahalaan ni Pangulong Arroyo. Puspusang ikinampanya ni Pangulong Arroyo ang mga kandidato ng PPC sa iba’t-ibang panig ng bansa at ibinandera ang islogan na VOT FOR D CHAMMP (na kumakatawan sa mga initials ng pangalan ng mga kandidato) at “13-0.” “Bagong pulitika” at “leadership by example” ang mga naging tema ng plataporma ng PPC.  Samantala, ang Puwersa ng Masa ay ikinampanya naman ni dating Pangulong Estrada hanggang sa siya ay mapiit sa kasong pandarambong noong Abril. Kung ang PPC ay mayroong “13-0” ang Puwersa ng Masa naman ay may “ZERO- TRESE sa  Mayo Katorse” pabor sa Puwersa. Kung susuriin, si dating Pangulong Estrada at hindi ang mga plataporma ng dalawang partido ang higit na binigyan ng pansin sa halalan. Ang mga kasapi ng PPC ay pinagbuklod, hindi ng isang paniniwala o plataporma, ng kanilang hangaring mapatalsik si Pangulong Estrada sa kapangyarihan. Sa kabilang dako, ang Puwersa ng Masa naman ay binubuo ng mga kapanalig ng dating Pangulo  na gusto siyang maibalik sa pwesto o kung hindi man ay makapagbuo sila  ng malakas na oposisyong kakalaban sa pamahalaang Arroyo.

            Nang sumapit na ang araw ng halalan, walong (8) kandidato sa pagka-senador ng PPC ang nagwagi, apat (4) naman sa Puwersa ng Masa at isang (1) independyente. Ang walong senador ng PPC ay sina Juan Flavier, Sergio Osmeña, III , Ramon Magsaysay, Jr., Manuel Villar, Franklin Drilon, Francis Pangilinan, Joker Arroyo, at Ralph Recto. Sa oposisyon, nanalo naman sina dating Unang Ginang Luisa “Loi” Estrada, Edgardo Angara, Panfilo Lacson at Gregorio Honasan. Si Noli de Castro, na isang independyente, ang nakakuha ng pinakamalaking bilang ng boto sa pagka-senador.

            Nakuha rin ng PPC ang mayorya ng bilang ng mga kinatawan sa Camara de Representantes at mga lokal na opisyales mula gobernador hanggang sa mga kagawad ng mga sangguniang pambayan.

“Ina ng Bayan,” “Ate Glo,” “Gloria Labandera”

 

            Bagamat tanggap na ng taumbayan si Pangulong Arroyo na napatunayan sa malaking suportang nakuha ng kanyang partido sa halalang 2001 at sa mataas niyang ratings sa mga surbey, sinikap pa rin ng Pangulo na mapalapit sa puso ng mga maralita. Una, pinakilala niya ang sarili bilang Ina ng Bayan, na waring nagsusumamo sa taumbayan na siya ay tulungan sa maayos na pagpapatakbo ng pamahalaan at pagpapaunlad sa kabuhayan ng bansa. Ang kanyang pagsusumamo ay binatikos ng iilan dahil lumalabas daw na siya ay isang mahinang lider. Hindi nagtagal, pinakilala naman niya ang sarili bilang Ate Glo, ang “Ate ng Bayan.” Ayon sa kanya, mas bagay raw sa kanya ang maging ate kaysa maging ina dahil siya ay bata pa naman. Ngunit ang pagiging “Ate ng Bayan” ni Pangulong Arroyo ay hindi nagtagal  dahil nakakakuha siya ng panibagong ibabansag sa kanyang sarili, “Gloria Labandera.” Ang “Gloria Labandera” ang ginamit ng mga kapanalig ni dating Pangulong Estrada noong kasagsagan ng EDSA III na pangungutya kay Pangulong Arroyo. Ayon kay Pangulong Arroyo, wala raw nakakahiya sa pagiging isang labandera dahil ang kanyang lola ay isa ring labandera.

            Marahil napagtatanto ni Pangulong Arroyo na malakas pa rin ang hatak ni dating Pangulong Estrada sa masa, at kung ipakikilala niya ang kanyang sarili bilang apo ng isang labandera ay madali niyang makukuha ang simpatya ng masa. Ang pagiging “Gloria Labandera” ni Pangulong Arroyo ay mahusay niyang nagamit upang makuha ang loob ng mga maralita. Halimbawa, kadalasang makikita sa mga lugar ng mga mahihirap ang mga tindahang sari-sari na may pangalang “Tindahan ni Gloria Labandera” at sa mga kalye naman ang mga rolling stores na may pangalang “Murang Karne Para sa Masa Alay ni Gloria Labandera.” Ang mga lugar na nabiyayaan ng naturang programa ni “Gloria Labandera” ay ang mga sumusunod: Delpan sa Tondo; Parola, Moriones; PUP sa Sta. Mesa; Road 10, National Government Center; North Triangle; Maricaban at Malibay sa Pasay; Dagat-dagatan; at Manggahan. Bukod rito, marami pang ginawa ang Pangulo upang lalo siyang mapalapit sa mahihirap.

            Sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) noong ika-23 ng Hulyo 2001, ipinakilala ni Pangulong Arroyo ang sarili bilang isang pangulo na may malambot na puso sa mga mahihirap – na handang makinig sa kanilang mga karainagan at pagsusumamo. Kanyang ipinakilala sa kanyang SONA ang tatlong batang taga-Payatas na sumulat sa Pangulo ng kanilang mga kahilingan na isinulat sa mga bangkang papel na kanilang pinalutang sa Ilog Pasig :

            Kamakailan, may sumulat sa aking tatlong batang taga-Payatas, sina Jaysom. Jomar at Erwin. Ginawa nilang paper boats ang liham at pinalutang sa Pasig River patungo sa Malacañang.

 

            Ito ang sinulat ng sampung taong gulang na si Jomar Pabalan: “ Sana po ay mabigyan ng permanenteng trabaho ang tatay ko para hindi siya mahirapan.”

 

            Sabi naman ni Jayson Vann Banogan, sampung taong gulang: “ Sana po matulungan ninyo ako na makatapos sa pag-aaral ko hanggang kolehiyo, kasi po ang nagpapaaral sa akin ay ang lola ko lamang.”

 

            Ang tanging nais ni Erwin Dolera, walong taong gulang: ipasara ang Payatas Dumpsite, at bigyan ng lupa ang kanyang pamilya.

 

            Napakalinaw, napakasimple ang hiling ng mga anak ng Payatas: trabaho, edukasyon, sariling tahanan. Idagdag na rin: pagkain sa bawat mesa. Ito ang mithiin ng masa. [13]

 

            At ito ang kanyang ipinangako sa tatlong bata na nasaksihan ng milyung-milyong manonood sa telebisyon:

            Jason, Jomar at Erwin, Pakinggan niyo ako.

 

            Paparamihin natin ang mga kababayang may trabaho, paparamihin natin ang mga batang makapag-aaral sa kolehiyo. Paparamihin natin ang kababayang may sariling tahanan. Paparamihin natin ang pamilyang may pagkain sa mesa. Ang pangarap niyo ay pangarap ko rin. Gagawin ko ang lahat upang matupad ang pangarap natin.

 

            Mga kababayan: Tulungan ninyo akong tuparin nila Jason, Jomar, at Erwin. Magkaisa tayo upang lahat ng kabataan---kasama ang kanilang magulang --- ay magkaroon ng bagong buhay at bagong pag-asa sa hinaharap.

 

            Trabaho. Tahanan. Edukasyon. Pagkain sa bawat mesa

 

            Salamat, Jayson, Jomar at Erwin pinaalala ninyo sa akin ang napakahalagang tungkulin ko. 

 

            Pinaalala ninyo sa aming lahat kung bakit kami ay narito ngayon sa bulwagang ito.

 

            Mga Senador at Kongresista: Ipangako natin sa kanila, sa harap at sa tulong ng Poong Maykapal, na sa mga susunod na araw, buwan at taon, tayong mga hinalal, tayong may pananagutan sa kanilang kinabukasan ay handang magsakripisyo at magkaisa para sa kabutihan, kaunlaran, katatagan ng bayan at sa kinabukasan ng kabataan.

 

            Jason, Jomar at Erwin, hindi namin kayo bibiguin.[14]

 

            Ang “bangkang papel” ni Pangulong Arroyo ay sinundan ng pagtatatag ng isang “Matatag na Republika” sa kanyang sumunod na SONA noong 2002:

            My counrymen, the fine stone I should like to add to the edifice of our nation, right above the stone of social justice that my father left behind is a strong republic.

 

            Two essential features mark out a strong republic. The first is the independence from class and sectoral interests so that it stands for the interests of the people rather than of a powerful minority. The second is the capacity, represented through strong institutions and a strong bureaucracy, to execute good policy and deliver essential services –the things that only governments can do.[15]


             Bilang pangulo ng isang matatag na republika, nais ipinamalas ni Pangulong Arroyo ang kanyang kakayahang gamitin ang mga instrumento ng pamahalaan upang lansagin ang mga grupong naghahasik ng krimen at terorismo sa bansa:

            Criminal syndicates will be treated as what they are, direct threats to national security. Criminals are criminals, whether of the common kind or the kind that kill in the name og political advocacies. They will feel the full brunt of the arsenal of democracy. Freedom, too, is entitled to self-defense.

           

            I have given very clear orders to spare nothing in hunting down kidnappers.

 

            Indeed, we are at war: At war with the terrorists, at war with the kidnappers, at war with the druglords--- and we are determined to win decisive victories on all fronts.

 

            We cannot afford to lose, even a stalemate will be a defeat. For what is at stake is our country as a viable proposition in the world economy. And we must be viable if we are to win the most fundamental war, the war against poverty.

 

            And as with the war in the past, so will it be with this war. As Commander-in-Chief, I am taking a direct hand in the war against the enemies of the Republic. This was how I dis with the Abu Sayaff, leading to the death of Abu Sabaya. This is how I will di it with the criminal gangs.

 

            Nakasalalay dito ang pamamayani ng ating republika, our strong republic.[16]


            Ang pagsugpo sa kriminalidad at terorismo ang pangunahing prayoridad sa ilalim ng  “Matatag na Republika” ni Pangulong Arroyo. Pinatunayan niya ito sa madalas niyang pagdalaw sa mga istasyon ng mga pulis upang paalalahanan sila ng kanilang tungkuling ipatupad ang batas. Sa kanyang mga pagdalaw, kapansin-pansin na may mga kasama siyang mga mamamahayag at photographers na kumokober.

            Noong ika-8 ng Agosto 2002, sa harap ng mga mamamahayag, iniharap ni Pangulong Arroyo ang mga nahuling pitong (7) kasapi ng Lucido-Espillore subgroup ng Bucala Kidnap-for-Ransom Group. At ipinangako niya sa mga mamahayag at sa taumbayan na:

            I would like to assure our people that their faith in law and justice shall be redeemed. I will not relent on my crusade for a morally upright and lawful society.

           

We will push harder against the kidnappers and all other criminals everyday. We will not stop. [17]

 

            Ang paghaharap ng mga kriminal, tulad ng pitong nadakip na kasapi ng Bucala kidnap-for-ransom group, at mga teroristang tulad ni Fathur al-Ghozi ng Jemaah Islamiyah, sa media at publiko ay binatikos ng mga taga-oposisyon na isang maagang pangangampanya ni Pangulong Arroyo para sa halalang 2004. Sa mga batikos na ito, ito ang naging tugon ni Pangulong Arroyo:

            Now as for the controversy about showing criminals before the public, well, debate is free in a democratic society but let me declare: I will continue to make the rounds of law enforcement agencies and recent criminals before the public. I will teach them the lesson by humiliation if necessary and follow it up with speedy prosecution. This will not abate until we have shown a clear manifestation in our seriousness and sincerity in this campaign. [18]


            Bagama’t matapang sa mga kriminal at terorista, si Pangulong Arroyo naman ay may malambot na puso sa mga sawing palad na nasalanta ng mga trahedya at mga namatayan.

            Noong Hunyo 2001, nakidalamhati si Pangulong Arroyo sa pamilya ni Dexter Balala, apat na taong gulang na bata na nasawi sa isang hostage-taking, sa San Fernando , La Union. Pinakita sa telebisyon ang maluha-luhang pangulo na nakayakap sa ina ng batang nasawi habang inaabot niya ang kanyang abuloy.

            Sa ibang pagkakataon naman, ipinakita naman ni Pangulong Arroyo ang kanyang pagiging maka-masa. Sa summit ng mga tricycle operators and drivers association sa Lungsod Quezon, sinubukan ni Pangulong Arroyo na magmaneho ng isang tricycle sa harap ng mga mamamahayag. Ayon kay Pangulong Arroyo: “Dito natin makikita kung gaano kahalaga ang inyong binibigay na serbisyo sa publiko.”At upang lalo niyang makuha ang loob ng maliliit, ikinumpara ni Pangulong Arroyo ang sarili sa isang traysikel, "Kasi di ba maliiit ang traysikel, kasing liit ko ngunit malaki naman ang naiaambag sa ekonomiya pati na rin sa ikabubuti ng mamamayan.”

            Kung hindi dumadalaw sa mga sawing-palad o nagpapakitang-gilas sa mga mahihirap si Pangulong Arroyo, kadalasan naman siyang nakikita na nag-aabot ng mga titulo ng lupa sa mga benipisyaryo ng programang pabahay ng pamahalaan, namamahagi ng Philhealth cards sa mga mahihirap, nagtatanim sa bukid, o nanonood ng sine kasama ang Unang Ginoo.

            Madalas din siyang magpakuha ng litrato kasama hindi lamang ang mga nahuhuling kriminal at terorista maging sa mga artista at bigating tao rin, tulad nina Jerry Yan ng F4, Mandy Moore, Lou Diamond Phillips, Barbie Xiu ng Meteor Garden,[19]Ruffa Mae Quinto (na gumanap na “Gloria Labandera” sa isang pelikula), Viva Hot Babes, Sarah Geronimo, Jolina Magdangal at iba pa. Sa katunayan, kinuha pa niya si Jolina Magdangal na mag-host ng lingguhang programang The Working President. Minsan naman, nakikipag-duet naman siya sa mga konsyerto, tulad ng kanyang ginawa kay Nora Aunor.

            Bukod sa pagiging pangulo ng bansa, ipinakilala rin ni Pangulong Arroyo ang kanyang sarili bilang isang mabuting maybahay at ina sa kanyang mga anak na naglalaan ng konting panahon sa paglilibang ng pamilya. Noong Hulyo 2002, napanood sa telebisyon ang pag-akyat ni Pangulong Arroyo, kasama si Unang Ginoo Juan Miguel “Mike” Arroyo at ang anak na si Dato, sa bundok ng Pinatubo at ang pagkain nila na nagkakamay sa mga pagkaing nakahain sa dahon ng saging.

            Minsan, napanood din ang mag-asawang Arroyo na nagsu-surfing sa Siargao o sumisisid naman sa Tubataha Reef.

            Pinapakita rin ni Pangulong Arroyo sa mga mamamahayag ang matamis nilang pagmamahalan ng Unang Ginoo. Pagkaraan nilang mag-surfing sa Siargao, nakita sila sa may tabing-dagat habang papalubog ang araw na naglalakad ng magkayakap at sumasayaw. Sa isang pagkakataon, tinanong si Pangulong Arroyo ng isang dayuhang mamamahayag kung mayroon pa siyang panahon para sa kanyang “sex life.” Ang kanyang tugon ay: “plenty.”

            Sa loob ng tatlong taon, pinakilala ni Pangulong Arroyo ang sarili bilang isang mataray at mahigpit na tagapangasiwa ng pamahalaan ngunit isang mapagmahal at maka-masang ina at ate ng bayan – na madalas makikitang nagpapamudmod ng mga tulong sa mga nasalanta ng bagyo, sunog at iba pang sakuna, at dumadalaw at nakikiramay sa mga namatayan. Isa ring romantikang maybahay na madalas nakikitang nanonood ng sine, lumalangoy at nagsu-surfing at sumasayaw sa tabing-dagat habang papalubog ang araw kasama ang kanyang asawa. Matapang na tagapagpatupad ng batas- sabay picture taking sa mga nahuhuling kriminal at terorista. Ito ang iilan lamang sa mga imahe na gustong ipakita ni Pangulong Arroyo sa taumbayan na binabatikos naman ng oposisyon bilang mga gimik at propaganda niya sa kanyang maagang pangangampanya para sa halalang 2004.

 

Ang Oposisyon

 

            Ang mga kilusang kumakalaban sa pamahalaang Arroyo ay nahahati sa dalawang pangkat: ang political opposition, na kinabibilangan ng mga kapanalig ni dating Pangulong Estrada; at ang mga taong-labas tulad ng CCP-NDF-NPA, MILF at ang mga teroristang grupo tulad ng Abu Sayaff, Jemaah Islamiyah at ang grupong Pentagon; Tatalakayin sa bahaging ito ng kabanata ang mga hakbang na kanilang isinagawa upang pahinain ang imahe ni Pangulong Arroyo sa taumbayan.

Ang Political Opposition

            Bagama’t ang mga partido at kilusang bumubuo ng political opposition sa pamahalaang Arroyo ay may magkakaiba at magkakasalungat na paniniwala, pinag-iisa naman sila ng kanilang hangarin na mapalitan na ang liderato ng bansa. Ang mga kilusang ito ay nahahati sa tatlo: ang mga Pro-Erap, na mga kapanalig ni dating Pangulong Estrada at kinabibilangan ng LDP, PMP, PMAP (People’s Movement Against Poverty); ang mga legal na kilusang makakaliwa tulad ng BAYAN (Bagong Alyansang Makabayan), Akbayan, Sanlakas, BMP at iba pa; at mga grupong dating kaalyado ni Pangulong Arroyo tulad ng COPA (Council on Philippine Affairs) ni Pastor Boy Saycon, Aksyon Demokratiko ni dating Senador Raul Roco, at iba pa. Sa loob ng tatlong taon, hahamunin ng mga lider-oposiyon ang kredibilidad at kakayahang mamuno ni Pangulong Arroyo. Uumpisahan nila ito sa marahas na Malacañang Siege na kanilang binansagang EDSA III, at susundan ito ng mga pagsisiwalat ng mga paratang ng katiwalian sa pamahalaan na kinasasangkutan ng mga Gabinete at pamilya ng Pangulo.

 

A. EDSA III

            Marahil ang pinakamarahas na tangkang pagpapabagsak sa pamahalaang Arroyo, bago ang Oakwook Mutiny, ay ang EDSA III. Ito ay nagsimula ng dakpin ng pulisya, sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Sandiganbayan, si dating Pangulong Estrada na nahaharap sa kasong plunder o pandarambong noong Abril 25, 2001. Si Estrada at ang kanyang anak na si Mayor Jinggoy Estrada (ng San Juan ) ay piniit sa Campo Crame. Kinagabihan ng araw na iyon dinagsa ng mga taga-suporta ng dating pangulo ang Edsa Shrine at idinaos ang kanilang tinaguriang “Poor People Power” o Edsa III. Hiniling nila ang pagbabalik kay dating Pangulong Estrada sa Malacanang.

            Sinamantala rin ng mga pulitiko ang okasyong ito upang mangampanya para sa nalalapit na halalan sa Mayo 14. Sina Senador Enrile, Honasan, Coseteng,[20] Mayor Atienza ng Maynila, dating Senadora Eva Estrada-Kalaw, dating PNP Chief Panfilo Lacson ay iilan lamang sa mga pulitikong nagtalumpati sa Edsa. Namumukod-tangi naman si Senadora Miriam Defensor Santiago sa walang takot at pangingiming pagkutya niya kay Pangulong Arroyo tulad ng “Gloria Tarantada” at “Gloria Labandera.”

            Makalipas ang limang araw ng pagpro-protesta, nilusob ng mga maka-Erap ang Malacanang upang sapilitang pababain si Pangulong Arroyo sa kapangyarihan. Tumagal ng ilang oras bago nakontrol ng pulisya ang sitwasyon at naitaboy ang mga maka-Erap sa Mendiola. Marami ang nasugatan sa pangyayaring ito. Idineklara ni Pangulong Arroyo ang State of Rebellion at ipinag-utos ang pagdakip sa mga may kinalaman sa tangkang pag-aagaw ng kapangyarihan ng pamahalaan.[21] Dinakip sina Senador Enrile at dating Ambassador Ernesto Maceda. Samantala nagtago naman sina Senador Honasan at dating PNP Chief Lacson. Kinuwestyon naman ni Senadora Miriam Defensor Santiago ang legalidad ng warrantless arrest sa bisa ng deklarasyon ng State of Rebellion:

Walang State of Rebellion sa ating Konstitusyon. Ang administrasyong ito nagdeklara ng State of Rebellion . I accuse them; I accuse them of the crime of low IQ… Hindi ako takot sa warrantless arrest nila, sa asawa ko nga di ako takot sa warrantless arrest pa nila. Kulungin na nila ako, patayin na nila ako kung gusto nila, pag namatay ako mumultuhin ko sila isa-isa.[22]

 

            Pagkalipas ng ilang araw pinawalang bisa ni Pangulong Arroyo ang deklarasyon ng State of Rebellion matapos maibalik sa normal ang sitwasyong pampulitika sa bansa. Napakawalan sina Senador Enrile at dating Ambassador Maceda matapos nilang magpinyansa. Matiwasay na naidaos ang halalan noong ika-14 ng Mayo 2001, kung saan nanalo sina Senador Honasan at Lacson – na kapwa nagtago noong kasagsagan ng State of Rebellion .

 

B. Oakwood Mutiny

            Ika-27 ng Hulyo, 2003, bisperas ng nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo sa Kongreso – isang pag-aaklas ang inilunsad ng iilang kasapi ng Sandatahang Lakas, na nakilala sa tawag na Magdalo Group, laban sa pamahalaan. Sa pamumuno ni Lt. Senior Grade Antonio Trillanes IV at ilan pang lider, inokupa ng Magdalo Group[23] ang Oakwood Premierre sa Makati upang iparating sa pahalaan ang kanilang mga karaingan laban sa pamunuan ng Sandatahang Lakas.

            Idinaing ng grupong Magdalo ang pagkadismaya ng mga junior officers dahil sa pagkukunsinti umano ni Pangulong Arroyo sa talamak na katiwalian sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ang mababang sweldo at benepisyo na kanilang natatanggap habang ang mga heneral ay nagtatamasa ng maraming pribelihiyo at pakinabang, at ang pakikialam ni Kalihim Angelo Reyes ng Tanggulang Pambansa sa mga patakaran at operasyong militar. Ayon kay Trillanes:“Dismayado lang kami sa bulok na sistema sa bansa particular sa hanay ng militar kaya kami nagkaisang kalampakin ang gobyerno.”[24]

Tumagal ng may dalawampu’t-dalawang oras ang pag-aaklas ng grupong Magdalo hanggang sila mapakiusapang sumuko matapos ang ilang oras na negosasyon.[25]

            Samantala, idineklarang muli ni Pangulong Arroyo ang pagpapasailalim sa bansa sa State of Rebellion. Ayon sa pamahalaan, hindi lang simpleng pagpapahayag ng kanilang karaingan at pagkadismaya ang dahilan ng pag-aaklas ng grupong Magdalo bagkus gusto nilang pabagsakin ang pamahalaan at magtatag ng isang junta na pamumunuan ng mga taga-oposisyon.

            Maliban sa kasapi ng grupong Magdalo, idinawit din ng pamahalaan sa tangkang pang-aagaw ng kapangyarihan sina Ramon Cardenas (dating deputy Executive Secretary ni Pangulong Estrada), Laarni Enriquez, Senador Gregorio Honasan, at ang mag-inang dating Unang Ginang Luisa Ejercito-Estrada[26] at Jude Estrada.

            Noong ika-12 ng Agosto 2003, ipinawalang bisa ni Pangulong Arroyo ang State of Rebellion matapos mapawi ang banta ng kudeta laban sa pamahalaan at nakasuhan na ang mga hinihinalang may kinalaman sa pag-aaklas sa Oakwood.

C. Mga Paratang ng Katiwalian

            Sa loob ng tatlong taon bilang Pangulo ng Pilipinas, hinarap ni Gng. Arroyo ang samu’t saring kontrobersya at iskandalo na kinasasangkutan niya, ng kanyang pamilya at ng malalapit niyang mga kaibigan. Sa bahagi ng papel na ito ay tatalakayin ang ilan lamang sa mga kontrobersyang kinasangkutan niya.

Jose Pidal Scandal

            Marahil ang pinakamalaking kontrobersya na hinarap ni Pangulong Arroyo ay ang iskandalong kinasasangkutan ng kanyang maybahay na si Unang Ginoo Jose Miguel “Mike” T. Arroyo – ang Jose Pidal Scandal. Ang iskandalo ay nagsimula sa isang priviledged speech ni Senador Panfilo Lacson, kung saan ibinunyag niya ang tagong yaman ng Unang Ginoo na nasa isang bank account sa Union Bank na may lamang mahigit na 30 milyong piso na pag-aari ng isang Jose Pidal.[27] Ang bank account, ayon kay Lacson, ay naglalaman ng perang nakalap mula sa Lualhati Foundation na itinatag ng mag-asawang Arroyo para makatulong sa mga mahihirap. Kinilala ni Senador Lacson na si Jose Pidal ay ang Unang Ginoo Mike Arroyo.

Upang patunayan ang kanyang mga paratang iniharap ni Senador Lacson ang kanyang pangunahing testigo, si Eugenio Mahusay, Jr.[28] Ayon sa sinumpaang salaysay ni Mahusay, siya raw ang nagdedeposito sa Jose Pidal account ng mga tseke mula sa mga kaibigan ni Unang Ginoo tulad nina Honeyboy Palanca, Bon Go Tong , Amable Aguiluz, Dante Soriquez, Georhe Ty, Ramon “RJ” Jacinto, Benjamin Chua (ng La Tondeña), Efraim Genuino (tagapangulo ng PAGCOR), Kalihim Pantaleon Alvarez ng DOTC, ar Jeff Cheng ng PIATCO.[29] Dagdag pa ni Mahusay, “dumaan din sa kanyang kamay ang binigay na pera ni Cong. Mark Jimenez at idineposito niya ito sa account ni Jose Pidal at ng Lualhati Foundation.[30]

            Naungkat din sa kontrobersya na ito ang mga ari-arian ng mag-asawang Arroyo sa Estados Unidos na nagkakahalagang $4.6 milyon, na hindi isinama sa Statement of Assets and Liabilities ni Gng. Arroyo.[31] Ayon naman sa Unang Ginoo, ang kanyang kapatid na si Ignacio “Iggy” Arroyo ang tunay na may-ari ng mga ito.

            Noong ika-1 ng Setyembre 2003, lumutang at inangkin ni Ignacio “Iggy” Arroyo ang ang Jose Pidal account. Samantala, umatras naman si Mahusay sa kanyang sinumpaang salaysay at iginiit na kaya lang niya nagawa ito sa Unang Ginoo dahil sa kagustuhan niyang makaganti sa huli sa pagkakaalis niya sa trabaho. Sa paglipas ng ilang panahon napawi ang kontrobersya hinggil sa Jose Pidal account ng hindi nalulutas kung ito ba ay may katotohanan o wala.

IMPSA Deal

            Ilang araw matapos maluklok sa kapangyarihan si Pangulong Arroyo nilagdaan ni Kalihim ng Katarungan Hernando “Nani” Perez ang kontrata sa pagitan ng pamahalaan at ng Industrias Metallurgicas Persacarmona Sociedad Anomina (IMPSA), isang kumpanyang Argentinian na isa sa mga pinakamalaking nagsu-suplay ng kuryente sa bansa. Ayon sa kontrata, ginagarantiyahan ng estado ang pamumuhunan at mga utang ng kumpanya sa mga pinagkakautangan nito. Pinaghihinalaang sinuhulan daw ng kumpanya si Kalihim Perez ng halagang $ 2 milyon upang madaliin ang pagpirma nito sa kontrata. Sa tulong daw ng kanyang bayaw na si Ramon Arceo at ng investment banker na si Ernest Escaler, nailipat umano ni Kalihim Perez ang suhol sa bank account nito sa Coutts Bank- Hong Kong, isang bankong Swiso na nakabase sa Geneva . Sinasabing pinagtatakpan daw ni Pangulong Arroyo ang kontrobersya na kinasasangkutan ni Kalihim Perez dahil sa malapit na relasyon ng dalawa at dahil tumanggap din daw umano ito ng $5 milyong na suhol mula sa kumpanya.[32] Tulad ng Jose Pidal scandal hindi rin nalutas ang kontrobersya na ito kung ito ba ay may katotohanan o wala.

Lualhati Foundation

            Kasabay ng iskandalong kinasasangkutan ni Kalihim Perez, isa sa mga bombang pinasabog ni Congressman Mark Jimenez ay pagkaka-donate niya ng halagang Php 8 milyong sa Lualhati Foundation ni Pangulong Arroyo. Ang Lualhati Foundation ay itinatag ng mag-asawang Arroyo na may layuning makatulong sa mga maralita. Ngunit simula ng itinayo ito ay wala pa itong konkretong programang ipinatupad para sa mga mahihirap. Sinasasabi na ang foundation ay front lamang ng mag-asawang Arroyo upang makapangalap ng donasyon para sa pondong gagamitin sa kandidatura ni Pangulong Arroyo sa halalan sa 2004. Sa kasagsagan ng kontrobersiya na ito biglaang ipinasara ni NAIA General Manager Eduardo Manda, isa sa mga malalapit na kaibigan ng Unang Ginoo at Pangulo ng Lualhati Foundation, ang foundation sa hindi maipaliwanag na kadahilanan.

President Diosdado Macapagal Avenue Anomaly

            Ang President Diosdado Macapagal Avenue na marahil ang maituturing na pinakamahal na kalsada sa buong mundo. Ang pagpapagawa ng dalawang kilometro ng kabuuang haba nito ay nagkakahalaga ng Php 1 bilyon. Pinaghihinalaang binulsa ng mga matataas na opisyales ng Public Estate Authority (PEA), na diumano ay malalapit sa Unang Ginoo, ang pondong inilaan sa pagpapagawa ng naturang kalsada. Ilang araw makalipas mabunyag ang maunamalyang pagpapagawa ng Macapagal Avenue , tinanggal ni Pangulong Arroyo ang mga opisyales ng PEA at sila ay ipinailalim ng pagsisiyasat ng Ombudsman.

PIATCO Scandal

            Ang iskandalo ay nag-ugat sa pagkakansela ni Pangulong Arroyo sa kontrata ng Philippine International Air Terminals Corporation (PIATCO) hinggil sa pangangasiwa ng NAIA Terminal III. Isiniwalat ng The Daily Tribune, isang pahayagang oposisyon, na kinikikilan diumano ni Atty Pancho Villaraza sa pamamagitan ni Presidential Adviser on Flagship Projects Gloria tan-Climaco ang pamunuan ng Fraport AG, isang kumpanyang Aleman na kasosyo ng PIATCO sa pagpapatayo ng NAIA Terminal III. Nang hindi raw pumayag ang Fraport sa pangingikil ni Villaraza ay ginawan daw ng paraan ni Pangulong Arroyo na makansela ang kontrata ng PIATCO na nagresulta sa hindi pagbubukas ng naturang terminal.[33] Nagsampa ng reklamo laban sa pamahalaan ang Fraport AG sa International Center for Settelement Disputes ng World Bank. Samantala, kamakailan naglabas ng hatol ang Kataas-taasang Hukuman na kumakatig sa desisyon ni Pangulong Arroyo ngunit sa kasagsagan ng iskandalong nabanggit bumagsak ang kredibilidad ni Pangulong Arroyo at ng kanyang pangasiwaan dahil sa hinalang talamak na katiwalian sa pamahalaan.

            Ang mga nabanggit na iskandalo ay iilan lamang sa mga isyu na yumanig sa pangasiwaang Arroyo sa loob ng tatlong taon. Ang mga iskandalo raw na ito, ayon sa administrasyon, ay isang uri lamang ng maruming pamumulitika ng mga taga-oposisyon laban kay Pangulong Arroyo. Ang maruming pulitika na ito ang idinahilan ni Pangulong Arroyo sa kanyang desisyon na huwag ng tumakbo sa halalan sa 2004 at sa kanyang pagbawi ng kanyang pangako nang di-pagtakbo sa halalan.

 

“Supreme Sacrifice”

            Ika 30 ng Disyembre 2002, Lungsod ng Baguio – Ginunita ni Pangulong Arroyo ang pagpapakasakit at kabayanihan ni Dr. Jose Rizal na nag-alay ng kanyang buhay para sa kapakanan ng mga Pilipino:

            Today, we are honoring Rizal. Our national hero is the most gifted Filipino who ever lived, truly the pride of the Malayan race.

A century ago, he made the ultimate sacrifice for the Filipino people, giving up his life at Luneta field. Jose Rizal’s martyrdom led to the creation of the Philippine Republic in 1898.[34]

           

            Ang naturang okasyon ay isang magndang pagkakataon upang gayahin ni Pangulong Arroyo ang kabayanihan at pagiging martir ni Dr. Jose Rizal. Ipinamalas ni Pangulong Arroyo na handa rin siyang magpakasakit, na handang isugal ang pagkakataon na makapanilbihan pa ng karagdagang anin na taon bilang Pangulo, na kanya namang ginawa ng ihayag niya ang kanyang hindi pagtakbo sa halalan sa 2004 :

However, we also know that we will soon enter the political period leading up to the elections in 2004. My reading on the political winds tells me that the 2004 election may well go down in history as among our most bitterly contested elections ever. This is because of the deep social and political division that we now have.

If this is true, then sincere efforts to launch programs will run the risk of being derailed by political fighting leading up to the elections.

The government in place after 2004 may merely end up inheriting a country as deeply divided as ever. Consequently, we may end up stalling national growth for a few years more as a result of lost momentum.

In view of all these factors, I have decided not to run for President during the election of 2004. [35]

           

Maraming naantig at humanga sa desisyon na ito ni Pangulong Arroyo ngunit marami ding hindi naniwala. Gimik lang daw ito ni Pangulong Arroyo dahil patuloy pa rin itong “nangangampanya, ” tulad ng pagdalaw sa mga nasunugan, namatayan, nasalanta at mga maralita, pagpriprisinta ng mga kriminal sa telebisyon, at iba pa. Kahit nagdesisyon na si Pangulong Arroyo na hindi na tatakbo sa halalan kabaligtaran naman daw ang kanyang kinikilos.

            Lumikha naman ng gulo sa loob ng Lakas-CMD ang naging desisyon na ito ni Pangulong Arroyo. Sino na ang kanilang ilalaban sa pampanguluhang halalan ngayong umurong na ang kanilang minamanok na si Pangulong Arroyo? 

            Tinangka ng ilang mataas na lider ng Lakas-CMD tulad nina Kalihim Heherson Alvarez (Secretary-General ng partido), Joey Rufino at iba pa na kumbinsihin ang Pangulo na bawiin ang kanyang desisyon. Habang kinukumbinsili nila ang Pangulo, pinalutang naman ng partido ang ilang mga pangalan na maaring isabak nito sa halalan, sakaling hindi na magbago ang desisyon ni Pangulong Arroyo. Isa si Senador Juan Flavier ang isa sa mga pangalang pinalutang:

Well, ang ginawa, flinoat ang lima sa amin, float to find out kung ano. Ako, gumamit ako ng apat na criteria: one is the support of the party; support of the local government; financial commitments; at saka yung survey and after then the fifth one, the state of my health. After reviewing all of that… faith intervened. Inanounce ni [President] Gloria na tatakbo pala siya. Tumakbo siya, umatras ako.[36]

 

            Tumakbo nga! Makalipas ang mahigit na siyam na buwan matapos ihayag ni Pangulong Arroyo ang kanyang desisyon na huwag ng tumakbo sa halalan sa 2004, binawi niya ito. Noong ika-4 ng Oktubre 2003, pormal nang hinayag ni Pangulong Arroyo, sa harap ng libu-libong senior citizens, ang kanyang pagtakbo sa pampanguluhang halalan sa Mayo 2004. Idinahilan niya sa kanyang pagtakbo ang kanyang kakayahan at karanasan sa pagpapalakad ng pamahalaan at mapaunlad ang kabuhayan ng bansa. Gaya ng kanyang deklarasyon sa Baguio noong Disyembre 2002, itinuturing din ni Pangulong Arroyo na isang pagpapakasakit ang kanyang pagtakbo sa halalan:

Ang landas pasulong ay hindi madali. And in the more than two and a half years of my presidency, I have gained the experience necessary to understand what we need to do in order to change society in a way that leads to economic development and the elimination of poverty. Thus, I have deferred my retirement. I will sacrifice my yearnings for personal quiet and release from presidential strain and anxiety. And I will offer myself to the electorate in 2004 I will offer myself as the leader with the experience and vision necessary to change society, to achieve economic development, and eliminate poverty. Tatakbo ako sa pagka-pangulo sa eleksyon ng Mayo 2004.

 

In the same way that I made my decision last December 30 by myself. Today, I make known that I reached this decision also on my own discernment. In making this decision, I could have invoked the prodding of my party, the clamor of the people, the support of many. These, you know are true and already made known by the media. But I am not motivated to run because I was thrust, shoved, urged or pressed. Nakikita ko ang pangangailangan nang mas higit pang sakrispisyo at gagampanan ko ito.

 

As I said, I have gained the experience. I have gained the experience necessary to understand what we need to do to change society in a way that leads to a future that we Filipinos dream of and rightly deserve. A future marked by a prosperous economy, a future where we would have defeated poverty, a future where our people enjoy true social equity and equal opportunity, a future where we can once again stand proud among the community of nations confident of what we have accomplished for ourselves and for our nations. I long for a strong republic steep in justice, unity and peace. [37]

 

            Marami ang hindi nagulat sa desisyon ni Pangulong Arroyo na bawiin ang kanyang pasya na huwag ng tumakbo sa halalan sa 2004 ngunit ito ay inulan pa rin ng mga batikos. Ayon sa Banat Tonight, isang tabloid na maka-oposisyon:

Bagamat marami ang hindi nagulat sa desisyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na lumahok sa 2004 Presidential elections sa darating na Mayo dahil halatang halata ito sa kanyang mga kilos, iilan ang nakakabatid ng tunay na dahilan kung bakit tumalikod ito sa kanyang mga binitawang salita noong nakaraang Disyembre, Hindi totoong ang walang tigil na batikos ng maraming sector ang nagbunsod sa kanyang kandidatura; mas lalo namang hindi paglilingkod sa sambayanan ang kanyang layunin sa paglahok sa halalan. Mababaw lang ang dahilan: salapi, kuwarta, pera.[38]

 

            Inihalintulad ng mga taga-oposisyon si Pangulong Arroyo sa kanyang ama na si dating Pangulong Diosdado Macapagal na hindi marunong tumupad sa isang pangako. Ipinangako noon ni Pangulong Macapagal na hindi siya tatakbo sa pampanguluhang halalan sa Nobyembre 1965 at sa halip ay susuportahan niya ang kandidatura ni Senador Ferdinand E. Marcos. Hindi niya ito tinupad at siya ay tumakbo para sa pangalawang termino. Like father, like daughter ika nga.

            Ang kawalan ng kredibilidad ni Pangulong Arroyo bunga ng  pagbawi  niya ng  kanyang desisyon na huwag tumakbo sa 2004 at ang pagbuhay sa mga alegasyon ng katiwalian at iskandalo na kinasasangkutan ng Pangulo, ng Unang Ginoo at ng mga malalapit nilang mga kaibigan ang gagawing sandata ng mga taga-oposiyon laban kay Pangulong Arroyo sa panahon ng kampanya. Paano ito haharapin ng Pangulo? Anu-anong mga estratihiya ang kanyang gagawin upang salagin ang mga batikos na ito at sa huli ay magtagumpay sa halalan. Tunghayan natin ang mga susunod na kabanata sa papel na ito.


 

* Mula sa pamagat ng headline ng The Philippine Daily Inquirer noong Enero 21, 2001.

[1] Si Joseph Estrada ay isinilang noong ika-19 ng Abril 1937 sa Tondo, Maynila ngunit siya ay lumaki sa San Juan , Rizal. Pinasok niya ang larangan ng pagpepelikula at siya ay hinangaan bilang isang batikang artista. Noong 1967, siya ay tumakbo at nanalo bilang punong-bayan ng San Juan , na kanyang pinamunuan hanggang 1986. Noong 1987, siya ay nahalal bilang Senador at noong 1992 bilang Pangalawang Pangulo.

[2] Pagkaraan ng halalan, binago ni Pangulong Estrada ang pangalan ng kanyang partido-koalisyon sa Lapian ng Masang Pilipino o LAMP. 

[3] Isiniwalat ni Sis. Christine Tan, isang respetatong madre, ang paggamit ni Unang Ginang Luisa Ejercito Estrada ng higit-kumulang 500 milyong piso pondo ng PCSO, na nakalaan sa mga proyekto nito sa kalusugan, para sa mga personal nitong proyekto bilang Unang Ginang.

[4] Ang Blue Ribbon Committee ay pinamumunuan ni Senador Aquilino “Nene” Pimentel, Jr. at ang Committee on Justice ay pinamumunuan naman ni Senador Renato “Compañero” Cayetano

[5] Ang apat na Senior Economic Advisers na nagbitiw ay sina Jaime Augusto Zobel de Ayala, dating Punong Ministro at Ministro ng Pananalapi Cesar Virata, Vicente Paterno, at Washington Sycip. Ang dating tagapangasiwa ng Bangko Sentral na si Gabriel Singson ang tanging natira at nanatiling kasapi sa Council of Senior Economic Advisers ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada.

[6] Si Gng. Clarissa Ocampo ay ang Senior Vice President ng Equitable-PCI Bank.

[7] Ang 11 senador na humarang sa pagbubukas ng second envelope ay sina: Teresita Aquino-Oreta, Blas Ople, Miriam Defensor-Santiago, John Henry Osmeña, Anna Dominique Coseteng, Juan Ponce Enrile, Gregorio Honasan, Robert Jaworski, Ramon Revilla, Sr., Vicente Sotto, III, at Francisco Tatad.

[8] Pagkaraang manumpa bilang ika-14 na Pangulo ng Pilipinas, itinalaga ni Pangulong Arroyo sina Renato de Villa bilang Kalihim Tagapagpanap, Alberto Romulo bilang Kalihim ng Pananalapi at si Hernando Perez bilang Kalihim ng Kawaran ng Katarungan.

[9] Inaugural Speech of President Gloria Macapagal-Arroyo as the 14th President of Republic of the Philippines, Edsa Shrine, Ortigas Avenue, January 20, 2001.

[10] Sa kanyang paglisan sa Malacañang, nagpalabas si Pangulong Estrada ng isang press statement:

 

STATEMENT FROM PRESIDENT JOSEPH EJERCITO ESTRADA

 

At twelve o’clock noon today, Vice President Gloria Macapagal-Arroyo took  her oath as President of the Republic of the Philippines . While along with other legal minds of our country, I have strong and serious doubts about the legality and constitutionality of her proclamation as President, I do not wish to be a factor that will prevent the restoration of unity and order in our civil society.

 

It is for this reason that I now leave Malacañang Palace , the seat of the presidency of this country, for the sake of peace and in order to begin the healing process of our nation. I leave the Palace of our people with gratitude for the opportunities given to me for service to our people. I will not shirk from any future challenges that may come ahead in the service of our country.

 

I call on all my supporters and followers to join me in the promotion of a constructive national spirit of national reconciliation and solidarity.

 

May the Almighty bless our country and beloved people.

MABUHAY!                        

 

                                                                                                              (SGN) JOSEPH EJERCITO ESTRADA

[11] President Arroyo’s First National Broadcast, Office of the President, Malacañang Palace , January 30, 2001

[12] Pagkaraan ng halalan, kakalas ang PDP-Laban sa administrasyon at ito ay aanib sa oposisyon.

[13] President Gloria Macapagal-Arroyo’s State of the Nation Address at the Opening of the First Regular Session of the 12th Congress, House of Representatives, Batasang Pambansa, Quezon City (July 23, 2001).

[14] Ibid.

[15] President Gloria Macapagal-Arroyo’s State of the Nation Address at the Opening of the Second Regular Session of Congress, Batasang Pambansa, Quezon City (July 22, 2002).

[16] Ibid.

[17] President Gloria Macapagal-Arroyo’s Remarks During the Presentation of Seven (7)Members of the Bucala Kidnap-for-Ransom Group, Camp Crame Headquarters, Quezon City (August 8, 2002)

[18] Ibid.

[19] Si Barbie Xiu ay isang aktres na taga-Taiwan na sumikat sa Meteor Garden , isang telenobela na kinagigiliwan ng mga masang Pilipino. Ang nasabing telenobela ay kinatatampukan din ng grupong F4.

[20] Si Senadora Anna Dominique Coseteng ay tumakbong  Kongresista sa Lungsod ng Quezon noong Mayo, 2001.

[21]  Statement on the State of Rebellion ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, May 1, 2001, Malacañang Palace , Manila :

 “Kaninang pong 2:30 nang umaga, nilusob ang Malacañang at mga kapaligiran ng Palasyo ng mga demonstrators na galing sa EDSA Shrine. Habang sila’y patungo sa Palasyo, ang mga rally-ista ay ninakawan at sinira ang ilang mga tindahan sa mga lansangang kanilang dinaanan. There was a great deal of looting and vandalism.

Despite our controlled response, dalawang pulis ang namatay. I commiserate with their families. I will take care of their families. I thank them and all the troops and civilians who have been protecting me and the Republic.

Sa likod ng mga kamatayan ay ang anino ng mga pulitiko na ginamit ang EDSA rally para sa kanilang kapakanan. Sinamantala ng mga pulitiko ang mga inosenteng tao sa EDSA para isulong ang kanilang kandidatura at kanilang hinaharap sa pulitika.

Ang mga pulitikong ito ay siyang nagparami sa mga tao sa EDSA sa pamamagitan ng kanilang panawagan. Sila ay nagpagalit sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga talumpati. At sila ang nagplano para ang gabi ng Lunes ay maging gabi ng paghihimagsik at gabi ng paglusob sa Malacañang. Ang mga nangyaring paninira, pagnanakaw, pananakit at mga kamatayan ay kagagawan ng mga pulitikong ito. Sila ang dapat sisihin. Mananagot sila sa bayan.

Walang pulitika sa kaso ni G. Estrada. Ang kaso ng dating Pangulo ay isang kaso sa pamamagitan niya at ng hukuman. Nahaharap siya sa mga labintatlong criminal cases, kasama na ang plunder. Kailangan nating ipatupad ang batas.

Pero tinututulan ng mga tagapagtaguyod ni Estrada ang pag-aresto at pagkulong sa kaniya. Dahil dito, sumiklab ang demonstrasyon sa EDSA na pinondohan ng mga taong may political agenda. Maliwanag na ang kanilang tema ay pabagsakin ang lehitimong pamahalaan upang kung magtagumpay ay magtayo sila ng isang civilian-military junta. Sila ang maghahari sa bansa.

Ang isyu, mga kababayan, ay isang ng hustisya at ang ating kakayahang itupad ang batas. Bilang Presidente may katungkulan akong ipatupad ang batas.”

 

[22] Statement ni Senadora Miriam Santiago sa miting de avance ng Pwersa ng Masa noong Mayo 12, 2001.

[23] Karamihan sa mga lumahok sa pag-aaklas sa Oakwood ay kabilang sa Philippine Military Acadmy Class 95, 96, 97 at 98.

[24] Statement ni Lt. Senior Grade Antonio Trillanes IV na nalathala  sa “Ate Glo Nagulantang Sa Kudeta,” Banat Tonight, Hulyo 28, 2004, p.2.

[25] Ipiniit ang mga lider at kasapi ng grupong Magdalo sa Fort Bonifacio matapos nitong sumuko sa pamahalaan. Habang sinusulat ang papel na ito, sila ay nahaharap sa kasong kudeta at paglabag sa Articles of War.

[26] Itinanggi ni Senadora Estrada ang paratang at sinabi na ito ay bahagi lamang ng “witch-hunt” ng pamahalaan.

[27] Si Jose Maria Pidal Arroyo ay ang lolo ni Unang Ginoo Jose Miguel T. Arroyo. Si Jose Pidal Arroyo ay naging kongresista ng Iloilo noong 1916 at tatlong beses ding nahalal bilang Senador (1919, 1922, 1925). Hindi nito natapos ang kanyang pangatlong termino ng ito ay mamatay noong 1928.

[28] Si Eugenio Mahusay, Jr. ay nanilbihan bilang personal messenger ng Unang Ginoo mula 1996 hanggang 2003. Tinanggal daw umano siya ng Unang Ginoo matapos itong pagbintangan sa pagkawala ng mga gamit ng huli sa tanggapan nito sa LTA Bldg sa Makati .

[29] “Vicky Toh Kalaguyo ni Big Mike,” Banat Tonight, Agosto 27, 2003, p. 2

[30] Ibid.

[31] Ang sumusunod ay mga ari-arian diumano ng mag-asawang Arroyo sa California, Estados Unidos: 24 –room apartment building sa 151 Austin Streeet; 1,000 sq. m commercial building sa 1776 Sacramento Street corner Van Ness Avenue; dalawa pang apartment building sa 2425 Tipperary Avenue South at 728 Gellert Boulevard, Daly City; at isa pang apartment building sa 737 Bust Street.

[32] “Gobyernong Edsa Dos ni Gloria: Kahiya-hiya sa Buong Mundo!,” Banat Tonight, Oktubre 18, 2003, p.2

[33] “Gobyernong EDSA Dos ni Gloria: Kahiya-hiya sa Buong Mundo,!” Banat Tonight, Oktubre 18, 2003, p. 2

[34] President Gloria Macapacal-Arroyo’s Speech during the 106th Anniversary of the Martyrdom of Dr. Jose Rizal, Baguio City , 30 December 2002. For the full text of the speech, please see the Appendices

[35] Ibid.                                                

[36] Interview with Senate President Pro-tempore Juan M. Flavier, Senate of the Philippines , 26 January 2005.

[37] PGMA's Speech during the Senior Citizens Congress/Multisectoral Program/ Formal Declaration to Run, Centennial Expo amphitheater, Clark Field, Pampanga (04 Oct. 2003). For the full text of the speech, please see the Appendices.

[38] “2004 Election Negosyo ni Gloria.” Banat Tonight, Oktubre 11, 2003, p. 1

 

Personal na pahina ni Jose Angelito Angeles

Inapdeyt 25 ng Setyembre 2006